3 Kwento ng Paghihintay – Trabaho, Pagyaman at Pag-Ibig

Sa panahon ngayon na halos lahat ng mga tao ay nagmamadali, iniisip ko, may tao pa kayang marunong maghintay at mag pasensya. Narito ang aking 3 kwento ng paghihintay – sa trabaho, pagyaman at pag-ibig.

Sa trabaho:

Sa dami ng mga millenials ngayon na palipat lipat ng trabaho, naisip ko tuloy, mas matatalino na ba talaga ang mga kabataan ngayon kaya pakiramdam nila ay kailangan na nila agad ng trabaho na may malaking sweldo?

Sa totoo lang, marami akong mga kakilala na palipat lipat ng trabaho at minsan naiisip ko, bakit nga ba?

Ito ba ay dahil masyado tayong naiinip saan? Sa promosyon? Sa pagtaas ng sweldo? Sa bagong benepisyo?

Pero naitanong ba natin muna sa sarili natin ang mga ito?

Gaano ba ako kadalas pumasok ng nasa oras at paano ko ba ginugugol ang oras ko sa aking trabaho?

Ginagawa ko ba ang lahat ng dapat kong gawin at tintignan ang trabaho ko ng may malasakit at respeto?

Nalalaman ko ba na ang pagkakaroon ng trabaho ay isang regalo ng Diyos kung kaya dapat ay matuto akong alagaan ito at huwag abusuhin?

Sinisikap ko bang maging mabuting empleyado at hindi ko ba nininakawan ng oras o maging kagamitan ang aking kumpanya?

Sa tingin mo ba, karapat dapat ka ba talagang bigyan ng pansin at halaga?

Kung sa tingin mo ay ginagawa mo naman ng tama lahat, huwag kang mainip.

Naniniwala ako na lahat ng bagay may tamang oras. Bigyan mo ng ultimatum ang Panginoon natin. Subukan mo siya. Pero wag na wag mong babaligtarin ang sitwasyon na ang kumpanya mo ang may pagkukulang sa iyo.

Tandaan natin ito, lahat ng bagay ay pinaghihirapan. Hindi mo makikita ang totoong halaga ng trabaho mo kahit mag palipat lipat ka pa ng ilang beses kung hindi ka marunong maghintay at makuntento.

Natatandaan ko noon, Assistant Manager ako sa BPI, nauna ma-promote yung kasama ko. Nung una medyo nainggit ako pero inisip ko tama naman kasi, mas marami siyang nagawa. Sabi ko, gagalingan ko pa.

Nung oras na i-popromote na ako, akalain mong may mga naging balakid pa. Nagkaproblema ako sa isang bank account. Pero sa totoo lang pinaubaya ko na sa Diyos. Na delay ang promosyon ko ng halos isang taon. Ni minsan hindi ko kinulit yung amo ko. Sabi ko na lang ibibigay niya yan sa tamang panahon.

At alam niyo? Binigay niya nga. Lahat talaga ng bagay may tamang oras kasi pag binigay niya sa iyo iyon ng hindi ka pa hinog at masyado mong minadali, ikaw rin ang mahihirapan at mapapaso.

Doon ko rin natanto na marami pa naman palang ibang bagay na gusto ng Diyos na pagtuunan ko siguro ng pansin ng mga panahon na iyon kaya hindi niya pa binibigay agad.

Kaya ikaw, kapit ka lang.

Sa pag-iipon:

Paano kumita ng pera?

Paano magka negosyo?

Paano yung double your money?

Sa dami ng taong gustong yumaman agad, imbis na lalo tayong kumita, lalo tayong nabubutata!

Ang problema kasi sa mga tao ngayon akala ang pera tumutubo lang sa kung saan o basta napupulot sa daan o nahihingi sa magulang.

MALI.

Hindi sa pagyayabang.

Ako may lahing intsik pero hindi kami mayaman. Kami siguro ang intsik na walang negosyo. Byuda na rin ang nanay ko. At kahit hindi pa sya byuda noon, broken family na rin kami.

Tulad nga ng naikwento ko sa buhay ko, natuto akong magtipid dahil sa kagustuhan kong tumulong sa nanay ko.

At mula ng nagtrabaho nga ako, ni singkong duling eh hindi na ako humingi ng pera sa nanay ko.

Bakit?

Una, nakakahiya, malaki na ako, bente uno, pwede na ngang mabuntis at magka pamilya. Kaya dapat marunong na akong kumita at mag-ipon. Para saan pa na nag-aral ako kung iaasa ko rin?

At yun na nga ang ginawa ko. Unti-unti nag-impok ako at yung naipon ko habang lumalaki, lalo akong ginaganahan. Hanggang sa naabot ako ang isang milyon.

Doon ko nga naisip. Hindi pala imposible. WALANG IMPOSIBLE SA TAONG NAGSISIKAP.

Wala man akong mapagmamalaking negosyo, PROUD pa rin ako dahil, may sarili akong laptop, cellphone, bag, damit, pati bed mattress ko ako bumili. Meron na rin akong stocks, unit investment trust funds, emergency fund at insurance with critical illness benefit. Nakakatulong din ako sa bahay sapagkat ako ang nagbabayad ng aming kuryente. Nakaka travel na rin ako domestic man o international.

Mayaman na ba ako? Ang yaman kasi para sa akin hindi nasusukat sa pera lang. Ang yaman nasusukat sa laman ng puso mo at sa kung anu ang pinahahalagahan mo sa buhay.

Siguro masasabi kong MAYAMAN ako. MAYAMAN sa pagmamahal ng Diyos sa akin, ng aking INA at PAMILYA, mga KAIBIGAN atbp.

Masasabi ko rin na ang isang taong walang utang at nililinlang na tao ay MAYAMAN din na tao.

Ngayon, tingin nyo ba makakamit ko ito pag hindi ako marunong maghintay?

HINDI. Dapat matuto ka talagang MAGTIIS.

Kung tulad siguro ako ng ibang tao na gusto agad magpasikat o mag panggap na mayaman marahil ay hindi ko masasabing MAYAMAN ako ngayon. Marahil ay nag invest na ako sa mga SCAM. Pero hindi inaral ko ang stock market. Nag self-study, nagsimula sa maliit hanggang sa natuto. Pwede niyo I-check dito ang mga naging financial mistakes ko noon.

At ikahuli,

Sa pag-ibig:

Ito na!

Ang mga bata sa panahong ito ay napaka pusok. Marahil dahil na rin siguro sa teknolihiya. Sa mga dating applications, mga malaswang magasin at palabas sa telebisyon atbp.

At dahil dito, marami rin sa atin ang hindi makapaghintay sa tamang tao na nilaan ng Diyos sa atin. Kaya ano ang nangyayari?

Maraming babae ang nagkakaroon ng anak ngunit walang asawa

Maraming mag-asawa ang naghihiwalay

Maraming mga relasyon ang nasisira at nagkakaroon pa ng pang-aabuso

Iniisp ko, dahil ba bilang babae tayo ay mainipin? Sa totoo lang siguro may dahilan din naman tulad ng usapang panganganak. Bilang babae, sino ba naman ang may ayaw magkaroon nga anak sa edad na mas bata pa?

Pero gagawin ba natin itong dahilan para pumasok sa mga maling relasyon o pumatol sa isang taong hindi tayo kaya buhayin o ipaglaban?

Hindi ako perpekto, pero bago ko nakilala ang mapapangasawa ko ngayon sa edad na bente nwebe, marami ring masalimuot na nangyari sa akin na hindi ko pwede maikwento lahat.

Pero may isa akong napagtanto, ang Diyos talaga, ipupukpok niya muna ang ulo mo sa pader hangga’t matuto ka sa leksyon na gusto niya at hanggang maging TAMANG babae ka bago niya ipapakilala sa iyo ang para sa iyo.

Kaya ikaw na nagbabasa nito, may mga gusto ako sabihin:

Una, huwag kang papatol sa taong may asawa na o may ka relasyon. Marami pang lalaki sa mundo promise!

Nilalagay mo ang sarili mo sa isang bagay na kahit kailan ay hindi pwede maging tama. Kung sinasabi niya sa iyo na iiwan niya ang asawa niya para sa iyo. Huwag kang maniwala. Tandaan mo, ang tunay na pagmamahal nagbibigay ng KAPAYAPAAN sa puso mo. Pag hindi ka PAYAPA. Hindi yun para sa iyo. Makinig ka sa magulang mo.

Pangalawa, huwag natin ipilit ang sarili natin sa taong hindi tayo gusto. Doon ka sa gusto ka, laging kang gugustuhin at TANGGAP ka

Sa totoo lang, ni minsan hindi ko pinilit ang sarili ko sa taong hindi ako gusto. Bakit? Bakit hindi? Bakit hindi mo gagawin? Tandaan mo ito, ang lalaki kapag gusto ka niyan, siya ang LALAPIT sa iyo at hindi ikaw! Huwag mong hayaan dumating ang oras na maabuso ka lang dahil sa alam niyang may gusto ka sa kanya.

Isa pa, ang LALAKI ang nanliligaw sa babae. Huwag kang magmadali. Maghintay ka. Huwag mong ibaba ang standards mo para lang magustuhan ka niya.

Yung mapapangasawa ko ngayon, sa totoo lang hindi naman siya mayaman. Hindi sya tulad ng mga intsik na may negosyo na gusto ng mga magulang ko. Pero bakit sya?

Isa lang, HE PURSUED ME. Hindi siya na-intimidate sa akin. Naging matapang siya. Sinabi niya ang nais niya. Hindi sya PAASA. Imbis na ma insecure siya. Pinakita niya sa akin kung gaano siya ka proud sa mga achievements ko at pagiging alpha female ko.

Tinanggap niya ako bilang SMART CHINAY, KURIPOT na babae at MADALDAL na babae.

Maraming lalaki dyan nagpaparamdam sa iyo. Pero huwag mong intindihin. Pag gusto ka nila. Ipaglalaban ka nila at hindi sila maduduwag! Tandaan mo yan!

Kaya ikaw, relaks lang. Mahahanap mo rin yung katapat mo.

Ako nga nung mga oras na nagkakilala kami wala talaga sa isip ko na siya na yun. Pero ipapakita ng Diyos sa iyo kung siya talaga.

Balikan mo yung mga ugali na hinahanap mo sa isang lalaki at yun ang gawin mong guide! Doon sa listahan ko nilagay ko doon na sweet at may plano sa buhay at mahabang pasensya atbp. So far, lahat naman ng nailista ay tumugma.

Tapos tignan mo rin mga huling naging mga karelasyon mo, check mo at baka may gustong ituro sa iyo ang Panginoon doon. Marahil isang ugali na dapat mong baguhin. Marahil baka gusto niya pa makitang MAHAL mo na ang sarili mo at hindi mo ito hinahanap sa iba o marahil baka may dapat ka pang pagtuunan muna ng pansin maliban sa pag-ibig na yan!

Pangatlo, huwag maghanap ng perfect guy

Mga babae, walang lalaki na PERPEKTO. Lahat yan may pagkukulang. Kaya payo ko sa iyo, kung may lalaki na gustong ipa blind date sa iyo. GO lang. Huwag kang judgemental. Alam mo kasi nangyari na yan sa akin. Minsan, unang pagkikita pa lang sasabihin na natin agad, ayaw ko sa kanya.

Ang dating ginawa hindi para maging kayo na agad. Ginawa yan para kilalanin niyo ang isa’t isa mabuti. Kasi may mga bagay na higit sa pisikal. Yun dapat ang inaalam mo pag may ka date ka.

Maging open ka at huwag maging sarado ang iyong utak. Kasi pag hahanapin mo talaga yung IDEAL GUY mo, baka hindi mo siya talaga mahanap. At isa pa, hindi ka rin PERFECT! Okay?

 

Pang-apat, alamin mo gusto mo! Para yun ang ibigay sa iyo.

Anu ba talaga ang gusto mo? Dapat klaro ka. Huwag mong ipagdadasal na Lord, okay lang kahit tumanda akong dalaga. Mali! Kung gusto mo magkapamilya sabihin mo, dasalin mo araw araw. Huwag kang mapapagod at susuko.

Meron akong ka church mate, ang tagal na nilang mag-asawa pero wala silang anak. Pero alam mo? Alam nila gusto nila hindi sila sumuko kaya ngayon pagkalipas ng mga 10 taon sa edad na 40yrs old, nagkaanak na sila.

Kaya huwag kang magsawa magdasal at kausapin ang Diyos makikinig yan. At alam niya rin pag yung dinadasal pinaghihirapan mo. Kasi pag may pinagdadasal ka tandaan mo, hindi yan one way, two way yan! Dapat may ginagawa ka rin. Ang Panginoon, PARTNERS kayo dapat. Huwag ka ring abuso. Di ba?

Ito lang masasabi ko. Sana kahit papaano may natutunan kayo.

Matuto kang MAGHINTAY. Kasi ako may isang bagay ako na realize.

Ang Diyos paghihintayin ka, tuturuan ka maghintay, hindi dahil ayaw Niya ibigay ang bagay na iyon sa iyo, promosyon man yan, pera o pag-ibig. Ito ay dahil may silbi ang paghihintay. May bagay pa siyang gustong ITURO sa iyo na malamang ayaw mong gawin o iniiwasan mo o di naman kaya ayaw mo pa ring talikuran. Tandaan mo, pag HANDA ka na, pag HANDANG HANDA ka na, magugulat ka, ibibigay niya na sa IYO yun. Biglaan! At mapapangiti ka na lang. Mapapa buntong hininga. At masasabi mo na lang. Si Lord talaga, ON TIME!

Leave a comment below and share your thoughts.

I would love to hear from YOU.  =)

Also, if you haven’t done so already, be sure to sign-up for our free newsletter to receive new articles like this in your inbox each week.

>