Umasa – Isang Lason na Dapat ng Wakasan

Hindi ba lagi nating naririning ang salitang, “Huwag ka Kasing Umasa”.

Maririning mo ito sa opisina. Yung mga taong umasa na sila ay ma-promote pero hindi nangyari o hindi naman kaya naghangad silang makakakuha sila ng malaking bonus ngunit wala silang natanggap.

Sa kwentong pag-ibig, maririning mo rin ito. Umasa ka na mahal ka rin niya. Umasa ka na sasagutin ka niya pero drawing lang pala. Umasa ka na dahil tinawagan ka niya eh na miss ka niya pero ganun din pala siya sa iba.

Ano pa? Sa eskwelahan, habang tayo ay nag-aaral. Umasa ka na ipapasa ka ng professor mo na laging ngumingiti sa iyo pero ikaw ay binagsak. Umasa ka na akala mo mag best friend na kayo ng seat mate mo pero iba pala ang best friend niya.

Saan pa ba ito makikita? Tuwing Pasko! Umasa ka na may ibibigay na regalo sa iyo ang iyong ninong o ninang o hindi naman kaya malaking ampaw ngunit AMPAW lang pala talaga na wala namang laman!

Ano pa? Umasa sa magulang mo na sila ang mag-aalaga sa anak mo habang ikaw ay nagtratrabaho.

Umasa sa iyong asawa sa lahat ng gastusin sa iyong bahay.

Umasa sa iyong nakakatandang kapatid na walang asawa na paaralin lahat ng kanyang pamangkin.

Marami ng taong UMAASA. At marami rin ang NABIGO.

Bakit?

Naniniwala ako, na ang UMAASA sa ibang tao ay walang katiyakan o katuparan. Ngunit ang UMASA sa iyong sarili, sa iyong kakayahan, sa iyong abilidad, ito ay isang bagay na hindi ka bibiguin kailanman.

Tignan na lang natin ang ganitong halimbawa:

Nakasakay ka sa dyip at biglang sumikip ang kalsada. Alas-singko na ng hapon, labasan ng maraming tao at ikaw ay natrapik. Anung gagawin mo? Marami sa atin ang umaasa na sana mawala na ang trapik. Marami sa atin ang ayaw pa bumaba ng dyip kahit MALAPIT na tayo sa ating destinasyon dahil umaasa tayong gagalaw na ito at mawawala na ang trapik. Ayaw natin bumaba kasi masarap umupo at maghintay.

Ngunit, naisip mo ba? Paano kung bumababa ka na lang ng dyip na iyon, ikaw ay umasa sa iyong sariling enerhiya at kakayahan? Paano kung nilakad mo na lang ito hanggang dumating ka sa iyomg destinasyon kahit hindi man ganoon ka komportable?

Ang buhay ay parang pagsakay sa dyip na ito. Madalas, marami sa atin, mahilig tayong umasa at iasa sa iba ang maraming bagay. Ngunit nakakalimutan na natin, na ang pinaka importanteng tao na may kontrol tayo ay walang iba kung hindi ang ating SARILI.

Sa bandang huli, hindi mo pwedeng sisihin ang drayber ng dyip dahil trapik. Hindi mo rin pwedeng sisihin ang iyong boss kung hindi ka niya i-promote. Lahat ng bagay na nangyayari, walang ibang dapat sisihin kung hindi IKAW.

IKAW ang nagtulak sa sarili mong umasa sa ibang tao at ibang bagay.

Sabi nga nila, kung tayo ay laging aasa sa ibang tao, paano matutuwa ang mga taong iyon sa atin? Dapat nating unawain na ang ating buhay, tayo ang may responsibilidad. Hindi obligasyon ng magulang mo na alagaan ang anak mo dahil sa iyong maagang pagbubuntis. Hindi rin obligasyon ng kapatid mo na bigyan ka ng pera dahil inubos mo ito lahat sa iyong bisyo, hindi mo dapat ikasama na mababa lang ang iyong nakuhang increase sa sahod sapagkat hindi ka naman talaga nagtratrabaho ng maayos.

Hindi ka nila obligayson. Obligasyon mo ang iyong sarili. Matuto kang huwag umasa ngunit hindi mawalan ng PAG-ASA na aahon ka sa iyong buhay at magkakaroon ng magandang kinabukasan.

Huwag kang umasa sa iba, dahil mapapagod din silang tulungan ka. Mapapagod din silang magbigay. Sila rin ay may sariling buhay.

Tandaan mo, ginawa ka ng Diyos upang maging responsableng mamamayan. Hindi ka ginawa upang maging pabigat sa mundong ito.

Tama ng ang salitang ASA. Tama na ang pagiging dependent natin sa ibang tao. Iba ang nagtutulungan sa nag gagamitan. Iba rin ang humihingi ka ng tulong sa nag aabuso na ng tulong ng ibang tao.

Matuto ka!

~

Salamat sa pagbasa nito. Kung may gusto kayong iwang mensahe o kung hindi kayo sang-ayon sa sinabi ko, mag komento lang sa ibaba.

Hanggang sa muli!

>